Gunita

Pananampalataya

I. Paglisan

Ninais kong banggitin sa iyo ang mga kataga ng pagmamahal na “Mag- ingat ka” subalit mabilis kang hinila ng iyong pagkasabik na makita ang mundo sa labas.

Winika ko nang ilan pang ulit, palakas nang palakas, sakaling hindi pa naman naisasara ang iyong mga tainga subalit tila isandaang susi ang ginamit mo upang ang mga ito ay maikandado.

Gusto kong isiping isa akong hangal na pinayagan kang umalis nang hindi ako kasama. Pilit kong kinukumbinsi ang sarili kong hindi mo kaya nang wala ako. At mabilis kang babalik.

Bawat minuto’y araw ang katumbas. Kasabay ng pagkain sa oras ng paghihintay na ito’y ang pag- ubos ng pagsisisi sa aking katauhan.

Kung sana’y pinakinggan mo ang habilin ko, hindi ko iisiping baka nalulunod ka na ngayon sa luha’t pawis.

Kung sana’y pinakinggan mo ang habilin ko, walang tsansang mapagagawi ka sa sangandaan ng buhay.

Kung sana’y pinakinggan mo ang habilin ko, hindi mo makaliligtaang magdala ng kahit na pinakapayak na sandata.

Gusto kong sundan ka, hanapin at ipagsigawan sa iyo ang uri ng mundong ninais mong lakbayin. Kahit batid kong nakikita mo na’t nagbubulag- bulagan ka lamang.

Ano ang kinasasabikan mo sa labasan? Ano ang kasabik- sabik sa mundong lumatay sa aking buhay?

II. Pagbabalik

Naririto ako ngayon, sa iyong harapan—putikan ang paa, sugatan ang katawan, duguan at hinang- hina.

Sa pagbabalik kong ito, ang maiwiwika ko’y ang mundong lumatay sa iyo ay ang mundong lumalatay sa lahat.

Pinahahalagahan ko ang iyong pag- aalala katulad ng pagpapahalaga mo sa aking kalayaan.

Tama ang iyong mga sapantaha subalit walang dapat ipagsisi. Bagkus, katumbas nito’y pagbubunyi.

Narito ako’t binugbog ng kung anu- anong pagliko, pagdire- diretso at lahat ng uri ng pagpapatuloy—

Mga bagay na hinding- hindi mapipigilan ng anumang “Mag- ingat ka.”

Natutuhan kong yumuko. Natutuhan kong tumingala. At mas mainam na natutuhan kong lumingon.

Huwag nang mag- alala. Sa huli, batid kong dito ang destinasyon ko, sa kanlungan ng sinisinta kong ina.

Dito. Wala nang iba.


Tungkol sa Bagong Kuwarto ni Nanay

Nakataob na litrato ni Tatay sa ilalim ng mesa.
Mga nobela ng romansang likha ni Martha Cecilia
sa basurahan.
Nakakuwadrong diploma.
Dingding na kulay lila.
Tagos ng regla sa kobrekama.
Malaking bag na walang laman.
Paru- parong nakadapo sa bintanang bukas.
Mahabang listahan ng mga pasyalan sa pinto.
Makinang na susi ng kotse.
Kulay rosas na yoga mat sa lapag.
Sa ibabaw nito’y liham ng pagbati
pagkat bise- presidente na siya ng kumpanya
simula bukas.
Salaming anim na talampakan ang taas.
Si Nanay na nakatayo nang tuwid sa harap nito
dala ang ngiting sa sandaling ito ko lang nakita.


Eksena sa Buhay Pag- Ibig Mo

Seq. 1: Gabi. Exterior/Interior. Kung nasaan man ang mambabasa sa ngayon.

(Ipopokus ang kamera sa dalawang tauhan. Sa buong eksena’y hindi kakikitaan ng anumang emosyon ang unang tauhan; blangko. Ang ikalawang tauhan ay magpapaagos ng luha.)

(3, 2, 1, Action!)

1                                                                      2

Wala akong gusto sa iyo.

                                                                        Mahal kita.

Ang gusto ko ay ang paghihirapan kong makuha,

                                                                        Kaya pinagsusumikapan kong bumagay sa iyo.

Hindi iyong sasama sa miminsang pag- aaya.

                                                                        Lahat ay kaya kong ibigay, kahit buong ako.

Wala akong gusto sa lahat ng kaya mong ibigay.

                                                                        Bakit ba ayaw mong magbigay ng pagkakataon?

Hindi lang talaga ikaw ang tipo ko.

                                                                       Ha? Bakit? Bakit? Bakit?

Tumigil ka na sa paniniwalang lahat ay may dahilan.

                                                                        Ikaw ang unang nagpakita ng motibo.

Wala akong mapaglibangan noon,

                                                                        Ikaw lang iyan.

Naisip kong hawakan ka.

                                                                        Nasayahan talaga ako.

Hindi pumasok sa isip ko kung paano pag nasaktan ka.

                                                                        Tapos na.

At nasaktan ka nga.

                                                                        Paano na?

Hindi ako nagkaroon ng pakialam.

                                                                        Bahala ako sa sarili ko, bahala ka sa sarili mo?

Hindi ba ganyan naman ang lahat bago tayo nagkakilala?

                                                                        Abogado ka pero walang lohika ang iyong wika. 

Sepulturero man ay pwedeng maging tulad ko sa iyo.

                                                                        Basta, magkikita pa tayo

Ingat ka na lang sa susunod

                                                                        Sa ayaw at sa gusto mo…

At pasensya na lang.

(Cut! Good take!)

Seq. 2: Umaga. Interior/Exterior. Kung nasaan man ang mambabasa sa ngayon.

(Ipopokus ang kamera sa mambabasa. Pupunitin niya ang iskrip na ito, ngingiti at lilikha ng mas magandang kwento.)

(3, 2, 1, Action!)
————————————————————————-

*Ang mga tulang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8

Mga isponsor:


Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s